Welcome!!!

Thanks for the time. Hope you will leave a message.

Wednesday, February 29, 2012



Unang Sakay ng Jeep


Magdalena C. Pepito
MaEd FLT

Dr. Lededica D. Leyson
Propesor

“Mira! Nasaan ang sapatos ko?! Hanapin mo bilis!” sigaw ni Ina.
         
“Ang alahas ko Mira, nasaan na? Ang bagal mong kumilos! ‘Diba pinahanda ko na iyon kagabi pa?!” dagdag ni Doňa Mercedes.
         
Ito ang eksena sa bahay ng mga Mercedes tuwing umaga. Magkakandarapa ang katulong na si Mira dahil sa mga utos ng kanyang dalawang among babae.
         
Si Mira ay anak ng katulong ng pamilya Mercedes noon. Simula pa noong nagkasakit ang ina niya, ipinaubaya na siya ng ina sa mag-asawa hanggang sa mamatay ito. Para masuklian ang nagkupkop sa kanya, inalay niya ang kanyang habang buhay na serbisyo sa pamilya Mercedes.
                  
 “Itong mga amo kong ito, mga walang puso! Kita ngang nagluluto pa ako ng pang-almusal nila,” bulong ni Mira sa sarili.
         
Laging pinahihirapan si Mira ng mag-ina. Lalo na kapag wala ang amo niyang lalaki. Hindi kasi kagandahan ang mag-ina kaya naiinggit ang dalawa kapag may lalaking tumitingin sa kanya.
         
Matalik na kaibigan ni Mira si Ina noon pero nagalit ang huli noong sa halip na ito ang pansinin ng crush, siya ang pinansin ni Ronnie.
         
“Mira! Asan na?” tawag ni Ina.



“ Nandiyan na po Seňorita,” sagot niya. Gusto kasi ni Ina na tatawagin itong seňorita para ipakita sa iba na ito ang amo at siya ang katulong.
         
“Seňorita, ito na po ang inyong sapatos,” sabay bigay ng sapatos kay Ina.

“Mira, kunin mo nga ‘yong kwintas sa kwarto,” utos ng Doňa.

“Opo maam,” sagot niya. Hinanap niya ang kwintas sa kwarto ngunit hindi niya makita. Hinalughug na niya ang mga kabinet pero wala talaga ito roon.

“Maam, hindi ko po nakita iyong kwintas,” sabi niya.

“Aba! Eh di halughugin mo! Alangan namang ako ang maghahanap no’n?,” sigaw ng Doňa.

“Hinanap ko na po iyon sa kwarto n’yo. Hinalughug ko na rin po ang mga kabinet pero wala po doon,” sagot niya.

“Eh di ‘asan yon? Baka nasa kwarto mo?” sabi ng Doňa.

“Hindi po Maam. Hindi ko po kinuha ang kwintas ninyo,” sabi niya.

“Oo nga Mama. Baka tinago lang n’ya iyon!” sabad ni Ina.

“ Huh? Hindi ko po talaga iyon kinuha,” sabi niya.

“Nakita kita kahapon. Galing ka sa kwarto ng Mama,” sumbong ni Ina.

“Iyon naman pala eh! Isuli mo iyong kwintas Mira kundi tatawag ako ng pulis,” pantakot ng Doňa.

“Kailan po ay hindi ako kumuha ng mga gamit ninyo Maam. Kahit mahirap lang po kami, hindi po ako pinalaki ng aking ina na magnanakaw,” pagtatanggol niya sa sarili.

“Sumasagot ka na ngayon? Matapos ka naming kupkupin, iyan ang isusukli mo?” galit na sabi ng Doňa.

“Tingnan natin ang kwarto mo. Baka tinago mo doon,” dagdag ng Doňa.
Hinalughug ng mag-ina ang kwarto nya. “Ano ito? Hindi ba ito ang kwintas ko? Bakit nagsinungaling ka?” sabi ng Doňa.

“Hindi ko po iyan kinuha. Hindi ko po alam kung sino ang naglagay niyan dito Maam,” sagot niya.

“Pinagbibintangan mo kami?” sabad ni Ina.

“Wala kang hiya!” sinampal ng Doňa si Mira, “Pinakain kita pero ito ang isinukli mo?”

“Mama! Palayasin mo nga ang babaeng iyan! Baka maubos ang mga gamit natin dito,” sabi ni Ina.

“Maam, patawarin niyo po ako. Hindi ko po kinuha ang kwintas,” naiiyak na sabi niya.

“Lumayas ka dito!” galit na sabi ng Doňa at umalis.

“Hello?! Sabi ng Mama, umalis ka na raw,” pagtataboy ni Ina sabay tawa at sumunod din sa ina.

Naiwan si Mira sa kwarto na umiiyak, “Paano na ito? Hindi ko alam ang buhay sa labas. Wala akong kakilala. Saan ako pupunta?” sabi niya sa sarili.

“Ito lang ang ipon ko,” sabay kuha sa kanyang alkansya.

Dala-dala ang limang pirasong damit, umalis ng bahay ng mga Mercedes si Mira.

“Kaya ko ito! Hindi sa lahat ng pagkakataon ay magpapaapi ako sa kanila,” pagpapalakas niya sa sarili.

Lumabas ng bahay si Mira na hindi alam ang gagawin. Pinara ang unang jeep na dumaan at sumakay.

“Ano ba ito, ang sikip. Ganito ba talaga sa loob ng isang jeep?” bulong niya sa sarili.

Una iyong pagsakay ni Mira sa jeep. Kahit kailan kasi ay hindi siya pinasakay ng amo ng jeep kahit malayo pa ang pupuntahan niya, hindi siya binibigyang pamasahe. Kahit noong bata pa siya, dahil sakto lang ang pera para sa panggastos nila ng ina, nilalakad niya ang pagpunta sa paaralan.

Maraming napansin si Mira sa loob ng jeep. May nakita siyang natutulog at natawa siya dahil sumanday naito sa balikat ng katabi. Meron din namang isa na halos sumubsob na sa sahig ng jeep.

“May mga chismosa din pala sa loob ng jeep,” sabi niya sa sarili ng marinig niya ang pinag-usapan ng mga nasa harapan niya sa jeep.

“Ito pang isa. Pindot ng pindot sa telepono may patawa pa,” dagdag pa niya.

Tumingin siya sa may unahan ng jeep, “Kumakanta bang mag-isa? Nakapikit pa,” natatawang wika niya sa sarili habang pinagmasdan ang pasaherong nakikinig ng musika sa iPod.

Habang abala siya sa katitingin sa mga pasahero, napansin ni Mira na may nakatingin sa kaya. Pagtingin niya sa pinakadulo ng jeep, nakita niya ang isang lalaki na nakatitig sa kanya. Dahil sa mataas ito, namamaluktot na ito doon sa sulok. Gwapo ang lalaki. Mayaman itong tingnan pero nakasakay ng jeep. Lumakas ang sikdo ng puso niya habang nakatitig sila sa bawat isa kaya umiba siya ng tingin.

Matagal ng pinagmasdan ni Harold ang babae sa gitna ng jeep. Hindi siya mapakali. Parang may pwersang humihigop para titigan niya ang babae. Maganda ito. Maputi at napakainosenteng tingnan.Ngunit hindi rin ito mapakali. Palipat-lipat ito ng tingin sa mga pasahero at minsan ay tumatawa pa itong mag-isa.

“BOOOOM!!”


“Ay!” napasigaw si Mira sa lakas ng putok, “Ano iyon?” tanong niya.

Pumutok pala ag gulong ng jeep kaya kailangan nilang bumaba para palitan ng drayber ang gulong. Walang magawa si Mira at bumaba rin siya. Nagpalingon-lingon siya at hindi niya alam kung saang lugar na siya.

“Saan kaya ako pupunta? Hindi ko alam ang lugar na ito’” kinakabahang sabi niya.

“Ahm Miss? Magandang hapon. Ako nga pala si Harold’” pakilala ni Harold.

“Ito iyong lalaki kanina’” sa isip niya.
“Miss?” pukaw ni Harold sa natulalang si Mira.

“Ako po pala si Mira’” pakilala niya.

“Saan ang punta mo? Baka madadaanan ko ang pupuntahan mo. Sabay nalang tayo. Tumirik kasi ang kotse ko sa daan kaya sumakay nalang ako ng jeep. Wala kasing dumaan na taxi,” wika ni Harold.

“Hindi… Hindi ko po alam… Pinalayas po kasi ako ng amo ko,” naiiyak na sagot niya.

“Bakit ka sumakay ng jeep na hindi mo alam ang pupuntahan mo?” nagtatakang sabi ni Harold.

“Kasi po… Hindi ko po alam ang gagawin kaya pinara ko ang unang jeep na dumaan,” nahihiyang sabi niya.

“Ganon ba? Sige doon ka muna sa bahay habang wala ka pang matutuluyan,” suhestiyon ni Harold.

“Wag na po. Maghahanap nalang po ako ng mapapasukang trabaho,” tanggi niya.

“Mahirap maghanap ng trabaho ngayon. Doon ka nalang muna magtrabaho sa bahay,” sabi ni Harold.

“Hindi na po. Salamat nalang,” sabi niya.

“Hindi ako tumatanggap ng hindi,” sabi ni Harold sabay hila sa kanya at pumara ng taxi, “at huwag mo akong ipo.”

          Walang magawa si Mira kundi ang sumakay. Ano pa ba ang hahanapin niya. trabaho na ang pumunta sa kanya.

          Nagtrabaho bilang katulong sa bahay nila Harold si Mira. Mababait ang mga magulang ni Harold. Tinanggap siya ng mga ito ng walang pag-aalinlangan.

          Naging maganda ang buhay niya. Pinatapos siya ng pag-aaral sa sekondarya ng mga ito. Minsan ay sinusundo pa siya ni Harold sa paaralan. Napalapit na ang loob ni Mira kay Harold.

          “Mira? Pakisabi nga kay Manang Gina na maghanda ng masarap na hapunan para sa mga bisita mamaya,” utos ng ina ni Harold.

          “Opo Maam,” sagot niya.

Abala ang lahat sa paghahanda sa araw na iyon. Darating kasi ang kasosyo ng mga magulang ni Harold sa negosyo.

          Pagdating ng mga bisita, nag-usap ang mga ito sa may sala. Nag-usap ang mga ito tungkol sa pag-aasawa ni Harold sa anak ng bisita.

Hindi sinasadyang narinig niya ang usapan kaya aalis sana siya para ibuhos ang sama ng loob ngunit pinatawag siya ng ina ni Harold para dalhan ng juice ang mga bisita.

          “Ikaw?! Nandito ka lang pala?” salubong sa kanya ni Ina noong dinalhan niya ng juice ang mga bisita.

          “Mira?! Nandito ang magnanakaw sa bahay ninyo Harold?” dagdag ng Doňa.

          “Hindi ako magnanakaw! Kailanman ay hindi ako gumawa ng masama sa ibang tao,” napahiyang sagot niya at umalis.

          Umiyak siya sa kanyang kwarto. Napahiya siya sa harap ng mga magulang ni Harold. Inilagay niya ang mga gamit sa bag at umalis ng walang paalam.

          Sa mabuting palad, dahil na rin sa nakapag-aral siya sa sekondarya, nakapasok ng trabaho si Mira sa isang kompanya. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa siya ay magtatapos na sa kursong nursing.

          “Bukas graduation mo na. Congrats Mira!’ bati sa kanya ng mga kaboardmate.

“Salamat sa inyo Ana!” sagot niya.

          Bukas na ang Graduation Day niya at ito ang huling araw sa pagpasok niya sa paaralan. Sumakay siya sa jeep at naalala na naman niya ang unang beses na pagsakay niya ng jeep. Naalala niya si Harold.

          “BOOOM!” pumutok ang gulong.

          “Malas naman oh. Mahuhuli na ako sa praktis nito,” wika niya.

          Pagbaba niya sa jeep, unang nakita niya ang likod ng nakatayong lalaki. Pamilyar sa kanya ang tindig na iyon. Lumingon ang lalaki at natulala na naman si Mira.
“Ahm Miss? Magandang hapon. Ako nga pala si Harold’” pakilala ni Harold.

“Hoy ano ba! Nakikipagkilala iyong tao. Hindi ka sumasagot diyan,” panunudyo nito.

“Wala! wala akong pakialam!” pagalit na tugon niya at tumalikod.

Hinabol siya ni Harold.

“Bakit ba! May asawa ka na!” galit na sabi niya.

“Haha, wala akong asawa. Hindi ko ipinatuloy ang kasal,” natatawang sabi ni Harold.

“Asa ka pa,” wika niya.

“Oo nga. Hindi ko siya pinakasalan dahil iba ang pakakasalan ko. Ikaw iyon Mira,” sabi ni Harold.

“Pakakasalan mo ang isang magnanakaw?” wika niya.

“Alam ko na hindi ka magnanakaw. Matagal na kitang inaabangan Mira. Simula noong nagkita tayo sa jeep ay kakaiba na ang naramdaman ko,” wika nito.

“Naghintay lang ako ng pagkakataong makatapos ka at dumating na ang pagkakataong ito,” dagdag pa nito.

Umiyak si Mira.

          “Bakit ka umiiyak? Totoo iyon,” seryosong wika ni Harold.

          “Wala, masaya lang ako,” sagot niya.

          “Kung ganon, payag kang pakasal sa akin?” excited na tanong ni Harold.

          “Oo,” sagot niya.

          Nagpakasal ang dalawa. Tinanggap siya muli ng mga magulang ni Harold at naniniwala din itong hindi siya magnanakaw. Ipapakasal pala sana si Harold kay Ina para bayaran ang utang ni Doňa Mercedes sa mga ito pero hindi pumayag ang lalaki.

          “Anong ginagawa mo dito magnanakaw?” salubong sa kanya ni Doňa Mercedes.

`“Bakit ka pa nagbalik?” sabad ni Ina.

          “Kukunin ko ang pagmamay-ari ko na,” sagot ni Mira.

          “Ano naman ang pagmamay-ari mo? Muchacha ka lang. Alis!” pagtataboy ng Doňa.

          Pumasok si Harold at hinawakan ang kamay niya.

          “Kukunin na namin ang bahay na ito,” sabad ni Harold.

          Hindi nakapagsalita ang mag-ina.

          “Patawarin mo kami Mira,” hinging patawad ng Doňa.

          “Patawarin mo ako Mira. Ako ang naglagay ng kwintas ni Mama sa kwarto mo,” sabi ni Ina.

          “Alam ko na marami kayong nagawang pasakit sa akin ngunit kayo pa rin ang kumupkop sa akin kaya itinuring ko pa rin kayong pamilya,” wika niya.

 “Pinapatawad ko na kayo,” dagdag niya.

“Salamat Mira!” sabay-sabay na wika ng mag-ina.

Hindi na pinaalis nina Mira ang mag-ina sa bahay na iyon. Itinuloy ni Mira ang pag-aaral at nakatapos siya ng medisina. Mayroon na siyang sariling klinika malapit din sa subdibisyong naging bahagi ng kanyang buhay.

Salamat sa jeep at nakilala ni Mira ang pinakamahalagang tao sa buhay niya, si Harold.


W   A   K   A   S  .  .  .